“Kuya, bili na po kayo ng tubig! Manong, bili na po!”
Sabay harurot ng sasakyan papalayo. Siya namang ubos-lakas na patutunugin ang takatak sa kahoy na parisukat na yapos-yapos ng bata.

Ito ang araw-araw na eksenang kinahaharap ni Cardo. Sa gulang niyang labing-isa, nakikipagpatintero na siya sa mga sasakyan sa gitna ng lansangan. Sa kanang braso ay yapos-yapos niya ang kahong parisukat na may nakahanay na mga kendi at mga sigarilyo. Sa ibabang bahagi naman ay naroon ang takatak na pinatutunog niya upang makuha ang pansin ng mga tsuper at iba pang tao. Sa kaliwang bisig niya ay ang basket ng sitsirya at mga bote ng tubig.

“Takatak boy” ang tawag sa tulad niya at iba pang naglalako sa kalye. Mapanganib ang kanilang ginagawa dahil sa gitna ng lansangan nagmumula ang kanilang ikinabubuhay. Sa umaga, siya ay nagtatakatak.Sinisikap niyang bago magtanghali ay makauwi na siya upang maghanda sa kaniyang pagpasok sa paaralan. Pagkatapos ng klase, uuwi muna siya sa bahay.
Pagsapit ng ikawalo hanggang ikasampu ng gabi, magtatrabaho na naman siya sa lansangan.

Si Mr. Alejandro Hemsat ay pabalik-balik ng Pilipinas tuwing papasok ang panahon ng taglamig sa kanilang bansa. Dito kasi sa Pilipinas niya pinipiling magdiwang ng kapaskuhan. Sanay na ang kaniyang katawan sa timpla ng klima rito. Ilang araw na rin niyang pinagmamasdan si Cardo. Hindi niya mapigilang lapitan ang bata habang nakahinto sa bangketa sa tapat kung saan siya namamalagi.

“What’s your name, Boy?” nakangiting tanong ng matanda.
“My name is Cardo, not Boy, Joe,” at agad niyang kinamayan ang turista. Napabunghalit ng tawa si Alejandro habang nakikipagkamay sa bata.

“I am Alejandro Hemsat. But you can call me Alejandro. Can we be friends?”
“Sure, friends we are, but no long talk. Buy my products, better,” sabay kamot ng ulo si Cardo na siya naman muling nakapagpahalakhak sa matanda.
“Okay, give me a bottle of water.” Iniabot ni Alejandro ang isang daang pisong papel.
“Only 10 pesos, Mr. Alejandro. Wait for your sukli!” at lumapit si Cardo sa guwardiya upang ipabarya ang pera. Inilabas ng guwardiya ang pareho niyang bulsa at ipinakitang wala siya ni isang kusing.
“No sukli! Wait, again!” muling sabi nito.
“Ha ha ha! You are so smart, Kid. I will not get the sukli anymore. Do you go to school?” tanong na tila may himig ng pakikipagpalagayang-loob ng dayuhan sa kausap.
“Yes, I will go to iskul when the sun is so hot,” ang sagot ni Cardo na ang ibig palang sabihin ay sa tanghaling tapat.

Hindi maipaliwanag ni Alejandro kung bakit sa isang iglap ay parang kinurot ng batang iyon ang kaniyang puso. “I want to meet your teacher. Can I visit you in your school?”

Nag-aalangan man ay sinagot niya rin ang matanda “Yes, here is the address! Ask the peoples there and they will turo-turo to you my iskul,” napakamot muli si Cardo sa ulo niya. Hindi binigo ni Alejandro ang bata. Wala itong inaksayang panahon. Nakipag-usap si Alejandro sa tagapayo ni Cardo at napag-alaman niyang ang bata pala ay matalino, subalit naaagaw ang atensiyon ng paghahanapbuhay nito. Ulila na sa ina ang bata. Ang ama naman niya ay may sarili na ring pamilya. Tinutulungan niya ang kaniyang ama. Sa pagtatakatak niya kinukuha ang baon araw-araw. Nagpasiya si Alejandro na tulungan sa pag-aaral ang bata. Tutustusan niya ang lahat ng pangangailangan sa paaralan at sa guro siya makikipag-ugnayan. Hiniling niya na ang tagapayo na rin ang makipag-ugnayan sa ama ni Cardo.

Kinabukasan ay lumipad na ang dayuhan pabalik sa Italya. Muli na naman itong babalik sa susunod na Disyembre. Naging daan ang mga liham ng guro, ng dayuhan, at ni Cardo upang masubaybayan ni Alejandro ang bata. At naulit ang mga pangyayari sa maraming taong nagdaan. Hindi sinayang ni Cardo ang tiwala ni Alejandro sa kaniya. Iningatan niya ang paggasta sa bawat sentimong natatanggap mula kay Alejandro. Hanggang sa nakapagtapos siya ng kolehiyo. Nagtayo siya ng water station. Sa kaniya na humahango ng tubig ang mga takatak boys na nakikipagsapalaran sa lansangan.

Isang araw, dumating ang isang liham mula sa kapatid ni Alejandro. Dala nito ang malungkot na balitang pumanaw na ang dayuhang may ginintuang-puso. Tag-init noon sa Italya at na-heat stroke si Alejandro dala ng pagbabago ng klima na nararanasan ng kanilang bansa at karatig-bansa nito sa Europa. Binanggit din sa sulat na tatlo pala silang tinutulungan ni Alejandro sa Pilipinas. Ang isa ay pari na ngayon, ang isa naman ay babae na magtatapos na ng kursong nursing, at siya na isa na ngayong negosyante. May tinulungan din si Alejandro na ilang bata sa iba
pang bansa.

Nag-uunahang tumulo ang mga luha sa mata ni Cardo. Nagsara siya ng tindahan at niyakag ang asawa na pumunta sa simbahan na malapit sa kanila. Doon niya ibinulalas ang kaniyang kapighatian sa pagpanaw ng isang napakabait na nilalang sa katauhan ni Alejandro. Ipinangako niya sa harap ng altar na hahanapin ang babaeng magtatapos ng kursong nursing. Tutulungan niya ito upang ganap na makapagtapos. Ito ay gagawin niya bilang pasasalamat sa kadakilaan ni Alejandro.

Nagtulos siya ng kandila. Muling dumaloy ang luha sa kaniyang mga mata. Batid na niya ngayon kung saan siya dinala ng kaniyang takatak dahil sa isang ulirang nilikha.

“Paalam, kaibigan! Paalam sa iyo, Alejandro!”