Isang tula na sinulat ko, tungkol sa pag-ibig at pandemya.

Korona

By: Mark Andrew Tejada Cordovero
https://www.facebook.com/1796990782/...655967072892/?

Ilang taon ang lumipas, muling nagkita tayo
Halos naningkit itong mga mata ko kakahintay sayo
Inikot at nilibot ko na ang buong mundo
Tila di makakasalubong, ngunit pinagtagpo tayo.

Nang makaharap ka tila ako nilagnat
Sa init ng nadaramang di maitagong sinat
Nang tanungin ako, bigla akong nasamid at napaubo
Hindi ko akalaing kakausapin mo ako.

Nakakapagod man, gusto kong lagi kang pagmasdan
Hindi ko maamin sayo, ang aking nararamdaman
Sa aking tuyo at namamagang lalamunan
Ikaw ang tubig na pumapawi ng aking pagkauhaw.

Ang samyo na iyong taglay, nais kong namnamin
Magkasipon man, patuloy na sisinghutin
Ang kirot ng kalamnan at ng kasu-kasuan
Nawawala agad, sa isang ngiti mo lang.

Huwag mo akong iwan, naninikip ang dibdib ko
Hinahapo sa tuwing hahabulin ka, huwag sanang lumayo
Ngunit labag man sa loob ko, kailangan kitang iwasan
Para sayo magtitiis ako, isang metro ang pagitan.

Tayong dalawa na lang, huwag na tayong makihalubilo
Baka maagaw ka pa sa akin, sa kumpol ng mga tao
Ang iyong mga mata, ang ilong at ang iyong bibig
Para sa akin ikaw ay perpekto, walang makadadaig.

Alam kong sa mga ngiti mo, nakakubli ang lungkot
Parang maskarang balatkayo, binalot sa takot
Dalawampung segundo, puwede ko bang hugasan ang iyong kamay?
Pagkatapos kong hugasan, hihingin ko na rin mula sa iyong tatay at nanay.

Kung sa pagsuyo sayo, mawalan man ng masasakyan
Maglalakad ako ng ilang kilometro, ikaw lang ay mapuntahan
At kung maghirap man, at paghihikahos ay harapin
Magdildil at magsuob man ng asin, pipiliin koy ikaw pa rin.

Kung ang iba ay nagkakagulo at nagpa-panic buying
Ikaw lang talaga ang gusto ko, masabihan man akong nagho-hoarding
At kung sagutin mo ako ng oo, tunay ngang God is so good
Dumating ka sa buhay ko, isinalba ako na parang relief goods.

Ika nga, sa hinaba-haba ng pila sa checkpoint, tayo pa din sa huli
Kahit anong curfew ang humarang sa akin, may rapid pass akong pina-priority
At kung may magtatanong, kung sino ang sayo ang tunay na nagmamahal
Nakapila ako na parang frontliner, nandoon ako sa pinakauna, nasa harapan.

Sa hirap at ginhawa, magsasama tayong dalawa
Mayroon man o wala tayong matanggap na ayuda
Through ups and downs, i-rapid test man tayo ng time
Para sa akin ikaw ang the best, youre one of a kind.

Oo, lahat ng sintomas nararamdaman ko na
Im not feeling well, lalo na kapag wala ka
Kung sakaling mag-contact tracing man sila
Malalaman nilang nandito ka sa puso ko, ikay nag-iisa.

Sa harap ng dambana, atensyon natin ay ating ipukol
Habang binebendisyunan ng 70% solution alcohol
Gusto kitang yakapin at i-lock down sa aking mga bisig
Wala nang social distancing, dahil pareho naman tayong negative.

Gusto kong ma-quarantine na ikaw ang aking kasama
Sa loob ng labing apat na araw o kahit mas higit pa
Kung ikaw ay isang karamdaman, gusto ko nang magpahawa
Sa buhay ko ikaw ang reyna, nasa iyo na ang korona.